Monday, May 19, 2014

A Little Too Ironic

Who would have thought it figures?

Sobra sa lamig. Sobra sa init. Tignan ko lang kung hindi ka magkasakit sa pabago-bagong kondisyon ng damdamin mo. Hindi ko maintindihan talaga ang takbo ng utak ng ilang tao. Kahit na, simula elementarya ako, wala na akong ginawa kung hindi pag-aralan ang daloy ng pag-iisip ng tao. Sa huli, magkakamali at magkakamali pa din ako.

Pabago-bago kasi, bukod sa ideya na iba-iba ang ugat. Iba-iba kasi ang tao, at iba-iba din ang sitwasyon, at isa pa, iba-iba din ako sa iba't ibang panahong hinaharap ko ang mga ito. Kung iisipin, marahil pati ang pananaw ko noon at ngayon ay iba, at maaaring ito ang may pinakamalaking epekto sa aking pagpapasya.

Pero ako pa rin ako. At ikaw pa din ikaw. At ang mundo ay mananatiling ang mundo at patuloy lang na iikot kahit ano pa mangyari, kahit ano pa ang aking mapagdesisyunan. At siguro, kahit pumili ako ng pumili ng gagawin, magplano ako ng magplano ng kinabukasan, hindi maiiwasang hindi ito masunod dahil sa mga bagay na hindi inaasahan. "Pagkakataon" daw. Oo, mahirap man tanggapin, gaano man tayo kaagap, isang malaking porsyento ng resulta ay galing talaga sa pagkakataon. 

Pinag-aaralan namin maigi yan. Isang buong asignatura yan. Sa iba, buong buhay nila ang inilalaan nila para sa pag-aaral ng mga pagkakataon. Nakakatawa lang kasi, ano nga ba ang pagkakataon na maintindihan nila ito ng buo.

Teka, maintindihan itong pagkakataon ng buo. Oo nga pala. Hindi din tayo sigurado kung totoo itong pagkakataon na ito o nakatadhana na ang lahat mangyari. Wala ding paraan upang masabi. Minsan, ang sakit lang isipin na ganito tayo at susunod lang sa daloy o gagawa ng daloy na hindi natin alam bakit mayroon.

Ano nga ba ang meron? Ano nga ba ang wala? Meron nga ba o wala? Paano mo masasabi na nandito talaga tayo sa mundong sa isip nating ginagalawan natin? Paano kung sinasabi lang talaga ng utak mo na ito ang totoo? Ano nga ba ang totoo? Totoo o peke? Paano mo masasabing peke ang peke kung mukha itong totoo? Hindi ba parang totoo na din yun? Tama? Ano nga ba talaga ang tama? Sino nga ba ang nagdidikta ng tama? Ang tama nga ba ay laging tama at ang mali ay laging mali? Bakit ang dating mali ay tama na ngayon at baligtad?

Ginugulo ko lang ang utak mo. O kaya, magulo lang talaga ang utak ko at kinailangan kong ilabas ang mga tanong na habambuhay kong hindi masagot. Lagi na lang iisipin. Lagi na lang tatanggapin.

Basta, sa huli, gagana din ang lahat at iikot pa din ang mundo kahit wala ang tulong mo. Lilipas din ang panahon, at makakalimot din ang mga tao kahit na maiwan ka sa gitna ng pagkakataon.

No comments: