Sunday, July 15, 2012

Nahuhulog na Ako sa Kadiliman

Natuon ko karamihan ng oras ko sa mga patak ng tubig.
Hindi ko kaagad napansin ang dilim na bumabalot sa mga ulap sa likod nito.
Dapit-hapon na at mamaya'y magiging mas madilim.

Inubos ko ang panahon ko sa paghihintay ngunit wala namang nangyari.
Ang ulan ay ulan pa din.
Kumbaga, walang patutunguhan.
Kumbaga, isang biro lamang.

Hindi na ngayon.
Hindi na katulad ng kanina.
Patila na ang ulan, nakikita ko na ang kalangitan.

Madilim.

Ngunit nakapagtataka naman, sa lahat, gusto ko ang gabi.
Ang kalawakan, ang mumunting mga sinag sa itaas.
Di man hayag sa marami, nakita ko ang liwanag.

At dito ako nahulog.

Subalit di ko ibig na dito bumagsak.
Di ko dapat kalimutan.
Ang kalawakan, natatanaw ngunit hindi naaabot.
Hanggang silip na lamang ako sa liwanag na taglay nito.

Huwag magambala sapagkat panandalian lamang ito.
Darating din ang umaga at ang kadiliman ay maglalaho.

Ngunit sa oras na ito, ito ang gusto ko.

Kung matanaw at hindi maabot, subukin kayang sumigaw upang marinig ang tinig ko?

Makararating kaya ito sa'yo?

No comments: